4 Sep 2020

Pinoy na may diabetes, may peligro na magkasakit sa puso | Pang-Masa (The Philippine Star)

MALAKI ang posibilidad na ang mga Pinoy na may sakit na diabetes ay magkasakit din ng cardiovascular disease (CVD) o sakit sa puso. Kapag may diabetes ang isang Pinoy, may tsansa rin na iiksi ang buhay n’ya ng anim na taon at kapag minalas pa ay 12 na taon matapos magkaroon ito ng sakit sa puso, ayon kay Orly Bugarin, ang presidente ng Philippine Heart Association (PHA). Sa ngayon, halos apat na milyong Pinoy ang may sakit na diabetes kaya’t nailagay ang Pilipinas sa ikalimang bansa sa Western Pacific Region sa may pinakamaraming may sakit nito.

Karamihan sa kanila ay ‘yaong nasa “productive years” pa o nagtatrabaho pa, ani Bugarin. Batay sa datos ng Department of Health (DOH), ang CVDs ay ang pinakamataas na dahilan ng kamatayan ng mga Pinoy. Araguuyyy! Hak hak hak! Kaya iwas-iwas muna sa mga matatamis na pagkain mga kosa ha para makaiwas tayo sa sakit na diabetes at malayo sa maagang pagkatigok. Tumpak!

Ayon sa medical experts, ang diabetes ay hereditary, subalit ang mga anak ng may sakit nito ay makakaiwas pa ring magkaroon nito kapag maaga silang maging aware sa karamdamang ito. Para maiwasan ang sakit sa puso, ang ilang medical societies sa bansa, in partnership ng Boehringer Ingelheim Philippines Inc., ay naglunsad ng online campaign na tinawag na “For Your Sweetheart” para ma-educate ang mga Pinoy na may diabetes ay hindi magkaroon ng sakit sa puso.

Ayon kay Bugarin ang website na www.foryousweetheart.ph ay mag-e-educate sa mga Pinoy kung ano ang tsansa nilang mag-develop ng CVD at paano maiwasan ito. Karamihan kasi sa mga Pinoy ay hindi alam ang ugnayan ng dalawang sakit na ito, kaya malaki ang magiging papel ng “For Your Sweetheart” campaign para maibsan ito.

Sinabi pa ni Bugarin na hindi lang mga diabetic patients ang target ng programang ito, kundi maging ang mga mahal nila sa buhay na nag-aalaga sa kanila, Kaya dapat palaging mag-ehersisyo at kumain ng healthy foods tulad ng gulay at isda para makaiwas sa diabetes, di ba mga kosa? He he he! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!

Sa survey naman na isinagawa ng PHA, lumabas na malaking bahagi ng diabetic patients ay nais gumawa talaga ng paraan para maiwasang magkasakit sa puso. Kaya lang, karamihan din sa kanila ay hindi arok na hindi magkahiwalay ang naturang mga sakit. Sinabi ni Bugarin na sa pamamagitan ng kanilang programa, ang mga diabetic patients at kanilang mga malapit na kamag-anak ay gagawa ng kaukulang hakbangin para mapigilang magkasakit sa puso.

At ang celebrity na si Kim Atienza, na ang lolo’t lola at nanay ay may sakit na diabetes, ang napili ng PHA na ambassador sa kampanya nila. Ayon naman kay Atienza, sa gagamiting website ay maaring malaman ng isang diabetic ang kanyang risk magkaroon ng CVD sa pamamagitan pagsagot sa isang assessment risk test.

Ayon naman kay Boehringer Ingelheim Phlipine inc. head of medicine Greta Cortez ang sapat na kaalaman ng pasyente at kanilang loved ones ng mahalagang impormasyon sa dalawang sakit ay makakatulong para isulong ang mabuting kalusugan. Abangan!

_______________________

Pang-Masa (The Philippine Star) (https://www.philstar.com/pang-masa/punto-mo/2020/09/04/2039934/pinoy-na-may-diabetes-may-peligro-na-magkasakit-sa-puso)